Ang inisyatibo at pagsisikap ng Mac's CrankIt Foundation na suportahan ang magagaling na manlalaro ng tennis sa Pilipinas na nagmula sa mahihirap na populasyon ng bansa, upang makapagsanay at lumaban sa Australya, ay patuloy na nasusuklian ng tagumpay.
Si John David Velez, batang manlalaro mula Davao, ay kasalukuyang ninanamnam ang titulo ng pagiging pinaka-una sa Australya sa lahat ng pinanganak sa taong 2004, na manlalaro ng tennis. Kanya ring napagtagumpayan ang gintong tropeo para sa Nepean Under 16 (U16) Junior Tournament, singles and doubles division at sa Bathurst U16 Junior Tournament.

Team Philippines with Australian professional tennis player, Monique Adamczak and Coach Andrew Wagner (Credit: Mac's CrankIt Foundation) Source: Facebook
Samantala, ang labing-tatlong taong gulang na mula sa Leyte, Sal Andrei Lago, ay natalo ang kanyang mga kalaban, at nagkampeon sa Under 14 (U14) na torneo sa Parramatta at Bathurst.
Bilang dagdag sa kanilang mga panalo, si Nikhel Nowlakha mula sa siyudad ng Iloilo, ay nakuha ang ikalawang ranggo kasama si Sal Lago para sa double's division ng Parramatta Bronze Junior Tournament.
Si John Kendrick Bona, sampung taong gulang na manlalaro mula Palawan, ay nakagawa rin ng marka para sa kanyang sarili matapos niyang manalo sa taong ito na NSW Age Group Gold - U10 division.
Ang mga kampeong ito ay nakagawa ng mga pagsulong na hakbang para sa tennis sa Pilipinas, habang nakatatanggap ng 'world-class' na pagsasanay mula sa Mac's CrankIt Tennis Academy of Australia.
Sila ay magpapatuloy sa pagpapakita ng kanilang mabuting paglalaro sa palakasang ito sa pamamagitan ng pagsali sa ilan pang mga torneo bago sila lumipad pabalik sa Pilipinas ngayong Hunyo.

The team of Mac's CrankIt with Head Coach, Founder and Director of Mac's CrankIt Tennis Academy, Coach Patricia Puzon (Credit: Mac's CrankIt Foundation) Source: Facebook
Ang mga batang kampeon
Nagsimulang maglaro ng tennis si John David noong siya ay anim na taong gulang pa lamang. Ang kanyang ama ang nag-impluwensya sa kanyang maglaro sa palakasang ito. Kanyang inalala na madalas niyang samahan ang ama sa ‘tennis court’ sa Davao kung saan kanyang pinapanuod ang mga ‘club players’. Hindi nagtagal ay sinubukan niya ito at simula noon, hindi na siya tumigil.
Ang Davaoeño na ito ay determinadong paghusayan pa ang kanyang galing sa tennis at siya ay umaasa na sa pamamagitan ng isport na ito ay makapag-aaral siya sa ibang bansa upang matamo ang kanyang mga pangarap para sa kanyang pamilya.
Para naman kay Nikhel, ang kanyang ina ang nagpakilala sa kanya sa tennis. Ang palakasang ito ang nagbigay-daan sa kanya para bumalik sa pagiging malusog at nasa maayos na porma matapos ng pagiging mataba noong kanyang mas batang edad.
Kapareho kay Johndy, ang Ilonggong ito ay nakikita ang paglalaro ng tennis bilang isang oportunidad para sa kanya na makakuha ng iskolarship na makakatulong sa kanyang matamo ang kanyang pangarap na maging isang doktor balang-araw.
Ang pagmamahal naman ni Sal sa tennis ay nagsimula sa pag-engganyo sa kanya ng kanyang mga kaibigan. Siya ay naglaro ng tennis sa eskwelahan at sumali sa mga torneo sa probinsya ng Leyte.

Team Philippines (L-R) Johndy Velez and Sal Lago with their gold trophies (Credit: Mac's CrankIt Foundation) Source: Facebook
Mayroong isang ambisyon si Sal at iyon ay ang maging kauna-unahang Pilipino na makakuha ng titulong ‘World Number One.’
Si John Ken naman ay hindi inaasahang makapaglalaro sa palakasang ito sa kalagitnaan ng kanyang paghilom sa sakit na ‘speech delay’ at Attention Deficit Hyperactivity Disorder (ADHD).
Ang kanyang ama na si Assistant Coach John Bona ay ibinahagi na ang tennis ang kanyang naging libangan at naging parte ng kanyang ‘therapy’. Sa edad na walong taon, ang galing ni John Ken sa palakasang ito ay mas lalong napabuti kaya ang mga ‘coach’ ay nakitaan siya ng potensyal para makipagkumpetensya sa pandaigdigang lebel.
Si John Ken ay umaasang manalo sa Wimbledon, Australian Open at US Open balang-araw.

Young tennis athlete, John Ken Bona (Credit: Mac's CrankIt Foundation) Source: Facebook
Paghasa ng galing sa tennis
Kasama sa mga mithiin ng Mac’s CrankIt Foundation ay ang pagbibigay ng pagsasanay sa mga ‘coach’ na nagmula sa Pilipinas para magkaroon sila ng propesyunal na karera sa tennis.
Ang isa sa mga ‘coach’ na ito ay ang Assistant Coach na si John Bona. Dahil siya ay nabigyan ng oportunidad para bumisita sa Australya, kanyang nasaksihan at naranasan ang programa ng Mac’s CrankIt Tennis Academy, sa ilalim ni Coach Pat Puzon.
Ang assistant coach na ito na nagmula sa Palawan ay labis ang naging papuri sa ‘world-class’ na programa ni Coach Pat Puzon, na itinaas ang antas ng ‘performance’ ng kanyang kupunan at nakapagbigay sa kanila ng napakaraming panalo.
Ang kanyang pagkakasaksi sa ‘Australian tennis’ ay binigyan siya ng kaalaman hinggil sa mga aspeto kung saan ang tennis sa Pilipinas ay nagkukulang pa rin hanggang sa ngayon. Isa sa kanyang tinukoy ay ang kakulangan sa mga mabubuting kagamitan, pasilidad at ‘tennis courts’ sa maraming mga probinsya sa Pilipinas.
Ang pagdating din niya sa Australya ay nakatulong sa kanya na maunawaang ang paglalaro sa mga ‘tennis court’ na mayroong mabuting ‘surface types’ at nasa mabuting kondisyon na kagamitan, ay nagiging daan tungo sa pag-iwas sa ‘injury’ at nagpapatagal sa karera ng isang atleta.
Ang pinakamahalaga sa lahat ay natamo niya ang malalim na pagkaka-unawa sa pamamagitan ng programa ni Coach Pat na kung ang disiplina ang uunahin, ang tagumpay ay laging possible.

Mac's CrankIt Team Philippines (L-R) Sal Lago, John Ken Bona, Nikhel Nowlakha and Johndy Velez (Credit: Mac's CrankIt Foundation) Source: Facebook
Inaasahan na si John ay ihahatid ang kanyang mga natutunan at galing sa mga batang nangangarap na maging manlalaro ng tennis sa Pilipinas.
Kasama ng Mac’s CrankIt Foundation, magpapatuloy sila sa kanilang misyon na hasain ang galing ng mga Pilipinong manlalaro ng tennis na mayroong positibong pananaw na balang-araw isa sa mga kabataang ito ang mag-uuwi ng pinaka-unang ‘World Number One’ na titulo para sa Pilipinas.

Mac's CrankIt Team Philippines (Credit: Mac's CrankIt Foundation) Source: Facebook
PAKINGGAN/ BASAHIN DIN:

Coach Pat Puzon: Becoming a Great Coach




