Kamakailan, nilagyan ng Meta ng label na "false" ang isang impormasyong totoo tungkol sa pag-atake sa Kyiv. Dahil dito, maraming tao ang nagtatanong kung maaasahan ba talaga ang paraan ng mga social media platform sa pag-check kung alin ang totoo at alin ang hindi.
Matapos masira ang Kyiv-Pechersk Lavra Monastery, na kabilang sa UNESCO World Heritage Sites, sa pag-atake ng Russia gamit ang mga missile at drone sa Kyiv noong kalagitnaan ng Hunyo 2026, ibinahagi ni Nataliia Shknieieva, isang Ukrainian na nakatira sa Sydney, ang balita sa kanyang Facebook page.
Ngunit hindi nagtagal, nakatanggap siya ng abiso mula sa Facebook na nagsasabing "false" o mali ang kanyang post, batay sa pagsusuri ng third-party fact-checking partner ng Meta.
Hindi lang siya ang nakaranas nito. Marami ring miyembro ng komunidad ng mga Ukrainian sa Australia at maging mga Facebook user sa Ukraine, kabilang ang ilang Ukrainian media outlet, ang nakatanggap ng kaparehong babala sa kanilang mga post.
Facebook stated that my post would be marked as false and that all of my posts would be pushed down in people's news feeds.Nataliia Shknieieva, member of the Ukrainian community in Sydney
Sinubukan ni Nataliia na iapela ang desisyon ng Facebook, pero hindi ito pinayagan.
Ang mas nakapagtataka, totoo at tama naman ang impormasyong ibinahagi niya.
Nang suriin ng SBS Examines ang mga post na nilagyan ng label, natuklasan nilang mali ang naging paglalapat ng fact-checking system ng Meta. Sa halip na kilalaning tama ang impormasyon, minarkahan pa ito bilang "false."
Nang tanungin ng SBS Examines ang Meta tungkol sa nangyaring pagkakamali, sinabi ng tagapagsalita ng kumpanya na ang mga maling babala ay dulot ng isang "technical error" o teknikal na problema.
Tinanggal na rin ng Meta ang mga label na "false" sa mga apektadong post.
Humingi rin ng paumanhin ang Meta sa mga naapektuhan at sinabi nitong gumagawa na sila ng mga hakbang upang hindi na ito maulit.
Sa episode ngayong linggo ng SBS Examines, susuriin natin kung paano nagfa-fact-check ang mga social media platform at kung sapat ba ang kanilang ginagawa para labanan ang maling impormasyon o disinformation na kumakalat online.
Ang ulat na ito ay ginawa sa pakikipagtulungan ng SBS Ukrainian.
📢 Where to Catch SBS Filipino
🔊 On Air – Tune in to SBS Filipino on radio stations across Australia and website live stream, and TV Channel 302 from 10 AM to 11 AM AEST daily.
📲 Catch up episodes and stories – Visit sbs.com.au/filipino or stream on Spotify, Apple Podcasts, Youtube Podcasts, and SBS Audio app.
📣 Follow Us on Social Media – Stay updated by following us on Facebook and Instagram.





