Halong takot, kaba at pagod ang nararamdaman ngayon ni Gerlie Jane Del Campo, isang international student at disability support worker sa Sydney matapos magpositibo sa COVID-19.
"To be honest parang napi-feel ko na kasi, pinapakiramdaman ko na may something wrong sa katawan ko. Iba yung panghihina ko, iba yung hilo ng puyat, yung tipong wala kang gana, wala kang panlasa."
Highlights
- Nagpositibo sa COVID-19 si Gerlie, matapos pumunta sa isang lamay
- Dahil parehong may sakit silang mag-asawa, hindi sila makalabas ng bahay
- Kahit hiyang-hiya, naglakas loob syang humingi ng tulong sa Filipino community
Nahawa si Gerlie ng COVID-19 matapos dumalaw sa isang lamay ng kanyang dating kliyente. Nagpa-swab test naman anya ang buong pamilya kaya minabuti niya at ng mga kasamahan nito sa trabaho na dumalaw. Ngunit kamakailan, nabalitaan na lamang nila na nagpositibo ang isa sa mga kamag-anak na kanilang dinalaw.
Laking pangamba ni Gerlie dahil nagpositibo din ang asawa at kapapanganak niya lamang sa kanyang baby na ngayo’y 5-weeks old.
"Sabi ko nga kung kami lang ng asawa ko kaya ko eh, pero 'pag yung baby, [mas mahirap tanggapin]. Dahil matigas ulo ko, pumunta kami ng funeral. Parang di ko mapapatawad sarili ko pag may nangyari kaya hindi ako matulog."
Kahit hindi pa maayos ang pakiramdam, kailangan ni Gerlie bantayan ang asawa nito na tinatrangkaso gayundin ang kanyang baby na nakakaranas ngayon ng dry cough.
"Kung hindi ako magpapalakas, kawawa din yung bata, kaya ngayon kahit pagod na pagod, kahit antok na antok, hindi pwede kasi natatakot ako na kahit isang idlip ko lang may mangyaring masama. Hindi naman natin alam kasi hindi naman masabi ng bata kung may masakit sa kanya."
Ubos ang ipon at walang Medicare
Aminadong hirap sa sitwasyon dahil hindi pa sigurado ni Gerlie kung sila ay may makukuha na suporta mula sa gobyerno. Halos maubos ang naipon matapos ang magastos na panganganak dahil walang Medicare at nagpapadala pa ng panggastos sa Pilipinas para sa dalawa pa nilang anak na 7 taon at 5 taong gulang na nasa pangangalaga ng kanilang magulang.
"Pinapakiramdam ko yung okay pa ako, kasi namumutla na ako kakapuyat. Kaya lang sabi ko walang choice wala naman kamag-anak dito para tumulong, wala ding nanay. "
Tulong para sa kababayan
Dahil hindi makalabas ng bahay at wala nang suplay ng pagkain, kahit nahihiya, nilakasan ni Gerlie ang kanyang loob na humingi ng tulong sa isang grupo sa pangunguna ni Tess Manalang na tumutulong sa mga international student.
Dito nai-post sa Facebook ang kanilang panawagan at laking pasalamat niya sa hindi inasahang buhos ng bayanihan.
"Ang daming dumating mga bigas, noodles, prutas, gulay. Seven na box na wipes tapos ang daming nappy, ang bait ni Lord kahit wala yung family namin dito. "
Dalawang taon pa lang si Gerlie dito sa Australia na pumasok bilang estudyante ng child care at lumipat sa disability. Plano niyang ituloy ang kursong nursing dahil nurse din siya sa Pilipinas.
Ang mga pangarap ni Gerlie para sa kanyang pamilya at mga anak ang pinaghuhugutan niya ng lakas kaya positibo siyang malalampasan ang krisis na ito.
BASAHIN/PAKINGGAN DIN