Mga Pinoy sa Sydney ipinamalas ang tunay na diwa ng Pasko sa mga kababayan na nangangailangan sa Pampanga

ERY AND PAROL.jpg

Edison 'Ery' Rivera gumawa ng parol na mula sa recycled materials at ang natanggap na premyo inihandog sa kanyang lola at ilang kababayang matatanda sa kanilang lugar sa Arayat, Pampanga. Source: Ery Rivera

Alamin ang mga pagsasakripisyo at diskarte ng mga Pinoy para lang maipakita ang pagpapahalaga sa pamilya ngayong Pasko.


Key Points
  • Edison 'Ery' Rivera tumatanaw ng utang na loob sa kanyang lola Natividad Estrella dahil sa tumayo itong ina't ama mula noong 2 taong gulang
  • Ang parol ay isang hugis-bituin na palamuti na nagmula sa Pilipinas noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol nang dalhin ng mga Kastila ang Kristiyanismo sa bansa
  • Diwa ng Pasko sa Pilipinas ay pagbibigayan, pagtutulungan, pagmamahalan, pagpapatawad at nagdadala din ito ng pag-asa sa lahat
Bilang pasasalamat sa lolang nag-aruga at nagmahal sa kanya at sa kanyang kapatid, inihandog ng NDIS at aged care support worker na si Edison 'Ery' Rivera ang kanyang gawang parol mula sa recycled materials sa 92-taong-gulang na lola na si Natividad Estrella.

ery with lola.jpg
Si Lola Natividad Estrella ang isa sa mga dahilan kung bakit nakipagsapalaran sa Australia si Ery Rivera, sa gayun mabigyan ito ng magandang buhay bilang pasasalamat sa pag-aaruga sa kanilang magkapatid. Source: Ery Rivera
Isa ito sa mga entry ng parol making contest sa katatapos lang na Philippine Christmas Festival sa Sydney at nag-uwi ito ng papremyo na $500.

“Motivator and mentor ko si Lola Daisy sa paggawa ng parol dahil she believes marami akong potential. After ko mag-work, dahil kliyente ko din si Lola Daisy dun ginagawa ko ang parol sa kanilang bahay mula sa mga gamit sa garahe niya,” kwento ni Rivera.

ery parol on stage.jpeg
Ang kampeon sa ginanap na Parol making contest sa Philippine Christmas Festival sa Sydney noong ika-22 ng Oktubre 2022. Source: Ery Rivera
Ito ay gawa sa hula hoop, pinagtagpi-tagping mga paper cups, tira-tirang kawayan mula sa flower vase, kumikinang na dekorasyon at battery-operated na Christmas lights.

“Gusto ko i-maximise ang mga gamit kaya lahat recycled mula sa bahay ni Lola Daisy, $14 lang ang gastos ko para dun sa battery-operated Christmas lights," dagdag ng binata.

Sa layuning madagdagan ang papremyo dahil hindi lang si Lola Natividad Estrella ang bibigyan ng maagang pamasko kung hindi ang lahat ng mga matatanda sa kanyang lugar sa Balite, Arayat Pampanga.

Ipina-bid ito hanggang sa may nanalo sa bidding na nagkakahalaga ng $300. Ngunit nagka-problema at sa pagkakataong iyon, dismayado si Ery pero may nagmagandang loob na mga Pilipinong nangangasiwa ng Heartcare Health Services.

“Hindi itinuloy ang pagbili dun sa nanalong nagbid ng parol. Nalungkot ako akala ko madadagdagan ang pera para kay lola at iba pang matatanda sa amin. Ikinuwento ko sa mga boss ko at hindi sila nagdalawang isip na bilhin ang parol."

Lubos ang pasasalamat ni Ery sa mga kababayan nitong amo dahil hindi naging maramot bagkus ay sinuportahan ang kanyang hangarin na makapagbigay ng maagang pamasko sa kanyang Lola at iba pang matatanda sa kanilang lugar. Umabot sa $800 ang naipadala ni Ery sa kanyang mga benepisyaryo.

ERY DIRECTORS OF HEARTCARE.jpg
Layunin ng mga Pilipinong Direktor ng Heartcare Health Services na matulungan silang nangangailangan sa pamamagitan ng parol ni Ery Rivera. (L-R Directors Madonna Ponce, Joan Jegajo, Abegail De Leon at Laarni Zaragoza) Source: Ery Rivera
Ayon sa nurse na si Abegail De Leon gusto din nilang suklian ang kabutihan ni Ery sa kanila at makatulong sa nangangailangan.

"Kawawa naman ang mga pagbibigayan ni Ery. kaya we did it para matulungan ang dapat tulungan," saad ni De Leon.

ERY HOUSE PAROL NEAR.jpg
Parol na gawa sa recycled materials isinabit sa harap mismo gusali ng Heartcare Health Services para maramdaman ng kanilang mga kliyente ang diwa ng pasko. Source: Ery Rivera
Sinadyang sa harap ng gusali mismo kung saan ginagawa ang mga activity ng mga matatanda inilagay ang parol para maramdaman ng mga kliyente ang tunay na diwa ng pasko.

"Gusto naming iparating we're open and want to help everyone. Kapag nakakita ka ng parol sa bahay, it's welcoming lalo na pag-umiilaw. Ang pasko natin brings different feels, makes you feel warm, makes you feel good inside and makes you help everyone."

ERY LOLOS AND LOLAS EDITED.jpg
Masayang tinanggap ng ilan sa mga benepisyaryo ng parol ni Edison 'Ery' Rivera sa Barangay Balite, Arayat Pampanga ang maagang pamasko. Source: Ery Rivera
Si Ery ay kilalang aktibo sa pagkakawang-gawa kasama ng ibang mga community leaders sa New South Wales. Simula pa noong kasagsagan ng pandemya, nagtahi at namigay ito ng reusable masks, nagvo-volunteer sa mga activity para sa mga matatanda, nakikiisa din siya sa tree planting at higit sa lahat naghatid ng tulong sa mga nabaha sa Lismore kamakailan lang.

Si Rivera ay kinilala bilang isa sa mga excellent awardee ng Sunrise Northwest Rotary Club nitong taong 2022.

"Tuwang-tuwa sila nung natanggap nila ang pera, alam mo ba na mabigyan lang sila ng 1,000 pesos malaking bagay na yon kasi naalala mo sila.

Kailangan nating sundan ang liwanag ng parol para gumawa ng kabutihan."


Share
Follow SBS Filipino

Download our apps
SBS Audio
SBS On Demand

Listen to our podcasts
Independent news and stories connecting you to life in Australia and Filipino-speaking Australians.
Understand the quirky habits of Aussie life.
Get the latest with our exclusive in-language podcasts on your favourite podcast apps.

Watch on SBS
SBS News in Filipino

SBS News in Filipino

Watch it onDemand
Mga Pinoy sa Sydney ipinamalas ang tunay na diwa ng Pasko sa mga kababayan na nangangailangan sa Pampanga | SBS Filipino