Ang Garma Festival ang pinakamalaking pagtitipon ng mga Indigenous Australians sa bansa. Taun-taon, libu-libong tao ang naglalakbay patungo sa liblib na bayan ng Nhulunbuy, sa hilagang-silangang bahagi ng Arnhem Land sa Northern Territory, upang makiisa sa pagdiriwang. Narito ang mga nangyayari sa Garma Festival at kung sino ang maaaring dumalo rito.
Key Points
- Ang Garma Festival ang pinakamalaking pagtitipon ng mga Indigenous people sa Australia.
- Ginaganap ito tuwing Agosto at pinamamahalaan ng Yothu Yindi Foundation.
- Pinagsasama ng festival ang mga political leader, artists at advocates upang pagtagpuin ang tradisyunal na kultura at adbokasiyang pampulitika.
Babala: Ipinapaalam sa mga Aboriginal at Torres Strait Islander na ang sumusunod na artikulo ay naglalaman ng mga pangalan ng mga yumao nang Indigenous Australians.
Mga katutubong salita sa artikulong ito at ang kahulugan ng mga ito:
- Yolŋu: Nangangahulugang "tao" sa wikang Yolŋu Matha. Tumutukoy ito sa pangkat ng mga angkan na naninirahan sa mga bayan at karatig na lugar sa hilagang-silangang bahagi ng Arnhem Land.
- Yolŋu Matha: Tawag sa mga wikang sinasalita ng mga Yolŋu.
- Garma: Nangangahulugang ' two-way learning' sa wikang Yolŋu Matha.
- Arnhem Land: Isang rehiyon sa pinakahilagang bahagi (Top End) ng Northern Territory, humigit-kumulang 500 kilometro sa silangan ng Darwin.
- Nhulunbuy: Ang pinakamalaking bayan sa East Arnhem Land, Northern Territory, na nasa humigit-kumulang 1,000 kilometro sa silangan ng Darwin.
- Gulkula: Isang tradisyunal na lugar ng pagtitipon.
- Ganbulapula: Isang ninuno na pinaniniwalaang nagdala ng Yidaki sa mga Yolŋu.
- Yidaki (kilala rin bilang didgeridoo): Isang tradisyunal na instrumentong hinihipan ng mga Aboriginal.
- Miny’tji: Mga sagradong paintings o disenyo.
- Manikay: Ancestral o mga awiting minana mula sa mga ninuno.
- Bunggul: Mga tradisyunal na sayaw na isinasagawa sa mga seremonya.
- Bilma: Clapsticks o mga pamalong kahoy na pinagtatama upang lumikha ng ritmo sa musika at mga seremonya.
Ano ang Garma Festival?
Ang Garma Festival ang pinakamalaking pagtitipon ng mga Katutubong Australiano (Indigenous Australians) sa Australia. Taun-taon, libu-libong tao ang nagtutungo sa liblib na bayan ng Nhulunbuy, sa hilagang-silangang bahagi ng Arnhem Land sa Northern Territory, upang makibahagi sa pagdiriwang.
Ginaganap ito tuwing Agosto at tumatagal ng apat na araw bilang pagdiriwang ng kultura ng mga Yolŋu.
Ang mga Yolŋu ay mga Katutubong Australiano na naninirahan sa hilagang-silangang Arnhem Land. Sa kanilang wikang Yolŋu Matha, ang salitang Garma ay nangangahulugang "dalawahang proseso ng pagkatuto" (two-way learning process).
Ang konseptong ito ay nakabatay sa paniniwalang may kaalaman ang bawat isa na maaaring ibahagi. Sa halip na isang grupo lamang ang nagtuturo sa iba, sama-samang natututo ang lahat sa pamamagitan ng pakikinig, pagtatanong, at paggalang sa magkakaibang paraan ng pamumuhay.
Tampok sa Garma Festival ang mga tradisyunal na miny’tji (sagradong sining), manikay (mga awiting minana mula sa mga ninuno), at ang kilalang bunggul (mga tradisyunal na sayaw).
Higit sa lahat, nagsisilbi ang Garma bilang isang mahalagang pagtitipon para sa talakayan tungkol sa mga usaping panlipunan, pampulitika, at pangkalikasan na may kaugnayan sa mga komunidad ng First Nations.
Paano nagsimula ang Garma Festival?
Itinatag ang Garma Festival noong 1999 ng magkapatid na yumaong Dr. Yunupingu AC at Dr. M Yunupingu, ang dating bokalista ng bandang Yothu Yindi. Nabuo ang festival mula sa hangaring mapanatili, maprotektahan, at maitaguyod ang kultura ng mga Yolŋu.
Noong panahong iyon, ikinababahala ng maraming nakatatanda (Elders) sa komunidad na unti-unti nang nawawala ang mahahalagang kaalaman at tradisyong pangkultura. Dahil dito, itinatag ang Garma bilang isang lugar kung saan maaaring magsama ang pagpapanatili ng kultura at mahahalagang talakayang pampulitika.
“The aim was to bridge cultural divides and empower Indigenous communities through dialogue and a celebration of Yolŋu culture,” saad ni John-Paul Janke. Siya ay ang National Indigenous Affairs Editor sa SBS at co-host ng 'The Point' sa NITV.
Dahil sa mga gawaing pangkultura at makabuluhang talakayang ito, naging natatanging pagtitipon ang Garma kung saan nagsasama-sama ang kultura, pagkatuto, at pamumuno.
Mag-subscribe o i- follow ang Australia Explained podcast para sa mahahalagang impormasyon at tips sa pagsisimula ng bagong buhay sa Australia.
May mga tanong ka ba, paksa o ideya na gustong pag-usapang? Mag-email sa australiaexplained@sbs.com.au
📢 Where to Catch SBS Filipino
🔊 On Air – Tune in to SBS Filipino on radio stations across Australia and website live stream, and TV Channel 302 from 10 AM to 11 AM AEST daily.
📲 Catch up episodes and stories – Visit sbs.com.au/filipino or stream on Spotify, Apple Podcasts, Youtube Podcasts, and SBS Audio app.
📣 Follow Us on Social Media – Stay updated by following us on Facebook and Instagram.





